June 24, 2011

Si Tatay

Kagabi, nasa kwarto ako nina Tatay. Andun silang dalawa ni Yan-yan. Tapos nung una, dinaldal ko sila tungkol sa kung anu-ano, lalo na sa school. Tapos maya-maya, tumahimik ako. Edi nagulat si tatay, kasi bigla kong tumahimik. Umiiyak na pala ako. Tapos tinanong niya kung bakit.

Sabi ko, "Si Karol kasi nandito kanina."

Tapos natuwa si tatay. "Iyon lang umiiyak ka na?"

"Hindi! Namimiss ko lang yung mga kaibigan ko kaya ko umiiyak."

"Eh paano yan? Magkakahiwalay na kayo? Di naman pwedeng lagi mo silang iyakan. Masyado niyo kasing pinalalim yung samahan niyo eh."

Sa point na 'to medyo nasaktan ako dun sa sinabi niya? "Eh anong gusto niyo? Pumasok at mag-aral lang ako sa high school."

Tapos sumingit yung kapatid ko. "Palibhasa si tatay walang kaibigan nung high school."

Si tatay naman defensive, "Hindi, may kaibigan ako, nag-iisa lang siya. Kami talaga yung magkasama lagi. Hanggang ngayon naiisip ko pa siya. Ang sa akin lang, simula nung gumraduate kami, di ko na siya nakita. Ako, di ko alam bahay niya. Eh siya, alam niya kung saan ako nakatira. Ayokong isipin na baka ako na lang yung nag-iisip sa kanya."

Dun sa sinabi niyang iyon, napatahimik ako. Napaisip na din. Si tatay, may isa siyang kaibigan na di na niya nakita kahit kelan. Ako merong 8. Mangyari din kaya sa akin yun? Pero sa isip ko, hindi mangyayari iyon. Iniisip ko na siguro naman namimiss din nila ko katulad ng pagkakamiss ko sa kanila.

Ayon, as consolation dahil sa napakababaw na luha ko, si tatay kung anu-anong sinabi. Sabi niya, dito ko daw sila patulugin ng isang linggo. O kaya bibigyan niya ko ng pera tapos ilibre ko daw sila. (Para sa TNP na nagbabasa nito, joke lang yun ni tatay ah). Tapos tatabihan niya daw ako sa classroom magdaldalan daw kami.

Si tatay... Natutuwa ako na ginagawa niya ang lahat para sa amin. Kahit simpleng bagay lang, basta masaya kami, ibibigay niya. Nagiging kaibigan ko siya kapag kailangan ko. Hindi man siya perfect na tatay pero lagi siyang nandiyan pag kailangan. May times man na di kami magkasundo, sa huli, siya pa din yung tama kahit anong tampo pa ang gawin ko.

Late ko man itong sasabihin, pero, TAY, thank you sa lahat! Sa pagtitiyaga sa akin ng 16 years. I love you, and happy father's day!

0 comments:

Post a Comment